Wednesday, May 13, 2009

"A sad story but true. Although it's on Filipino"

Minsan may isang Puta

Tingin ng mga bobong kapitbahay ko puta daw ako. Nagpapagamit, binabayaran. Sabi nila ako daw ang pinakamaganda at pinakasikat sa aming lugar noon. Ang bango-bango ko daw, sariwa at makinis. Di ko alam kung sumpa ito, dahil dito naletse ang kinabukasan ko.

Tara makinig ka muna sa kwento ko,..yosi muna tayo.

Alam mo, maraming lumapit sa akin, nagkagusto, naakit...Ang hirap pag lahat sayo virgin eh. Tinangap ko naman silang tao, bakit kaya nila ako ginago! Masakit alalahanin, iniisip ko nalang na kasi di sila taga rito, siguro talagang ganoon. Tatlong malilibog na foreigners ang namyesta sa katawan ko, na rape daw ako.

Sa tatlong beses akong nagahasa, ang pinakahuli ang di ko malilimutan. Parang maski di ko ginusto ang mga nangyari, hinanap-hanap ko siya. Tinulungan niya kasi akong makalimutan yung mga sadistang Hapon at CoA-kasi ibang-iba ang hagod niya. Umiikoy ang mundo ko sa tuwing ginagamit niya ako, ibang klase siya mag-sorry, lalo pa at kinupkop niya ako at ang mga anak ko.

Parating ang dami-daming regalo--may chocolates, yosi, at ano ka, may datung pa! Nakakaaliw siya, alam kong ginagamit niya lang ako.. pagamit naman ako ng pagamit sa kaniya. Sa kanya namin natutunan mag-ingles, magsulat at magbasa pa! Hanggang ngayon sa twing mabigat ang problema ko, siya ang tinatakbuhan ko. Yun nga lang, lahat ng bagay may kapalit. Noong kinakasama ko siya, guminhawa buhay namin. Sosyal na sosyal kami.

Ewan ko nga ba, akala ko napamahal na ako sa kaniya. Akala ko tuloy-tuloy na kaligayahan namin, yun pala unti-unti niya akong pinapatay. P***ng i**! Sa daming lason na sinaksak niya sa katawan ko, muntik na akong malaspag. Ang dami ng nagsabi ang tanga-tanga ko. Patalsikin ko na daw sa tulong ng mga anak ko. Napalayas ko ang animal pero ang hirap magsimula. Masyado na kaming nasanay sa sarap ng buhay na naranasan namin sa kaniya. Lubog na lubog pa kami sa utang, kulang ata pati kaluluwa namin para ibayad sa mga utang namin.

Sinikap namin lahat maging maganda buhay namin. Ayun, mga nasa Japan, Hong Kong, Saudi mga anak ko. Yung iba nasa U.S. at Europe. Yung iba ayaw umalis sa akin. Halos lahat wala naman silbi, masaya daw sa piling ko, maski amoy usok ako.

Sa dami ng mga anak ko na nagsikap na tulungan ang kalagayan namin, siya din ang dami ng mga anak ko na namamantala sa kabuhayan at kayamanan na itinatabi ko para sa punyetang kinabukasan naming lahat. Dumating ang panahon na di na kami halos makaahon sa hirap ng buhay. Napakahirap dahil nasanay na kami sa ginhawa at sarap.

Ang di ko inaakala ay mismong mga anak ko ang tuluyang sisira sa akin. Napakasakit tanggapin ang malinlang. Akala ko ay makakakita ako ng magiging kasama sa buhay, sa mga ahas na ipinakilala ng mga anak ko, Hindi pala! Ang tanga ko talaga! Binugaw ako ng mga sarili kong mga anak. Kapalit ng kwarta at pansamantalang ginhawa nanais nilang matamasa.

Wala na akong nagawa dahil sa sobrang pagmamahal ko sa aking mga anak. Wala akong ibang yaman kundi ganda ko. Pinagamit ko nalang ng pinagamit ang sarili ko, basta maginhawa lang mga anak ko. Usap-usapan na ako ng mga kapitbahay ko. May nanghihinayang, namumuhi, at naawa. Puta na kase ang isang magandang tulad ko.

Alam mo, gusto ko sanang tumigil sa pagpuputa kaso ang laki talaga ng letseng utang ko eh. Palaki pa ng palaki. Kulang na kulang. Paano nalang ang mga anak kong naiwan sa aking punyetang puder? Paka di na ako balikan o bisitahin ng mga nag-abroad kong mga anak. Hindi na importante ung laspagin man ang ganda ko. Malaman nila na gagawin ko ang lahat para sa kanila. Sa tuwing titingin ako sa salamin, alam ko maganda pa rin ako.

Meron pa din ang bilib sa akin. Napag-uusapan pa din. Sa tuwing nakikita ko ang mukha ko sa salamin, nakikita ko ang mga anak ko. Tutulo na lang ang mga luha ko ng di ko namamalayan. Ang gagaling ng mga anak ko, namamayagpag kahit saan sila pumunta. Mahusay sa kahit anung gawain. Tama man o mali. Proud ako sa kanila! Kaso sila, kabaligtaran ang nararamdaman para sa akin.

Sa dami ng mga anak ko, iilan lang ang may malasakit sa akin. May malasakit man nahihilaw. Ni hindi nga ako kinikilalang ina. Halos lahat sila galit sa isa’t isa. Walng gustong magtulungan, naghihilahan pa. Ang dami ko nang pasakit na tinitiis pero walang sasakit pa nung sarili kong mga anak ang nagbugaw sa akin. Kinapital ang laspag na ganda ko. Masyado silang nasanay sa sarap ng buhay. Minsan sa pagtingin ko sa salamin, ni hindi ko na nakilala ang sarili ko.

Darating na naman ang pasko, sana maalala naman ako ng mga anak ko. Isang buwan pa magbabagong taon na. Natatakot ako sa taong darating. Ngayon pa lang usap-usapan na ang susunod na pagbubugaw ng ilan sa mga anak ko. Sana may magtanggol naman sa akin, ipaglaban naman nila ako. Gusto kong sumigaw... “INA NIYO AKO...MAHALIN NIYO NAMAN AKO!”

Sige, duma-drama na ako. Masisira na make-up ko nito eh...

Salamat ha pinakinggan mo ako.

Ay sorry, di ko nasabi pangalan ko...

Pilipinas nga pala ako.

-Author Unknown-
That's not all! click Older Posts to see more!
Got anything with humor to share?! send it to everythingwithhumor@gmail.com and let everyone enjoy it!!